Sa probinsya ng Davao Oriental, doble-kayod ang Maritime Industry Authority o MARINA Regional Office 11 sa pagpapalawak ng kamalayan ukol sa kaligtasan sa karagatan at mga bagong patakaran sa industriya ng maritima. Sa magkahiwalay na aktibidad sa Baganga at Governor Generoso, ipinakita ng ahensya ang mas pinaigting na serbisyo at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na stakeholder.

Bilang bahagi ng Maritime Safety Culture Awareness Campaign Caravan, nagsagawa ng Information Education Campaign o IEC ang MARINA Regional Office 11 sa Baganga, Davao Oriental.

Layunin ng aktibidad na ipabatid sa mga lokal na opisyal, maritime stakeholders, at mga kawani ng Philippine Coast Guard ang mga bagong polisiya ng MARINA, kabilang na ang circular sa Safe Manning Certificates at regulasyon sa Wooden-Hulled Recreational Boats.

Ang hakbangin na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng MARINA na palakasin ang kaalaman at pagsunod sa mga regulasyon upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe sa karagatan.

Mula Baganga, nagtungo naman ang MARINA 11 sa Governor Generoso, kung saan nakipagpulong ito sa mga vessel operators, shipowners, at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan.

Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang mga umiiral na polisiya sa industriya, at pinakinggan din ng MARINA ang mga hinaing at mungkahi ng mga stakeholder upang mapabilis at mapagaan ang mga proseso sa ahensya.

Ayon sa MARINA 11, ang bukas na dayalogo at pakikipagtulungan sa mga lokal na sektor ay susì sa pagpapatupad ng mas episyenteng serbisyo at mas matatag na ugnayan sa komunidad maritima.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, parehong panig — ang MARINA at mga stakeholder — ay nagpahayag ng pangakong magkakaisa para sa mas ligtas, episyente, at makabagong maritima sa Davao Oriental.

View video here