Matagumpay na nagtapos ang 44 bangkero at banca operators mula sa Binangonan, Rizal sa Modified Basic Safety Training (MBST) na isinagawa ng Maritime Industry Authority (MARINA) mula Oktubre 7 hanggang 9, 2025 sa Barangay Gulod, Binangonan, Rizal.

Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga bangkero at banca operators sa maritime safety, palakasin ang kahandaan sa oras ng emergency o sakuna, at maisulong ang kultura ng kaligtasan sa karagatan.

Kabilang sa mga itinuro sa pagsasanay ang mahahalagang module gaya ng Fire Prevention and Firefighting, Elementary First Aid, Personal Survival Techniques, Personal Safety and Social Responsibility (PSSR), Typhoon Awareness and Preparedness, Ship Safety and Regulatory Regime, at Gender Awareness and Development (GAD).

Isinagawa rin ang iba’t ibang practical exercises gaya ng tamang paggamit ng fire extinguisher, pagsuot ng life jacket, artificial at cardiac pulmonary resuscitation, at mga survival drills sa dagat — na layuning maisabuhay ng mga kalahok ang mga natutunan sa aktwal na operasyon.

Ayon sa MARINA, higit pa sa pagbibigay ng kaalaman, layunin ng MBST na makabuo ng mga safety advocates sa mga lokal na komunidad maritima upang maipasa ng mga operator at mangingisda ang tamang kaalaman sa kaligtasan sa kanilang mga kasamahan.

Patuloy ang MARINA sa pagpapatupad ng ganitong mga programa sa iba’t ibang rehiyon upang maisulong ang ligtas, maayos, at responsableng paglalayag bilang bahagi ng adbokasiya nitong “Ligtas Biyaheng Dagat.”

View picture here