Tinatayang nasa 11 wooden-hulled recreational boats ang nabigyan ng special permit, habang 14 naman ang ginawaran ng sertipikasyon matapos ang isinagawang mobile inspection ng Maritime Industry Authority Regional Office VI (MARINA VI) sa Sagay City, Negros Occidental—hakbang upang agarang masuportahan ang turismo at transportasyon sa lugar.

Ang nasabing permit ay epektibo sa loob ng isang buwan habang pinoproseso pa ang kanilang mga aplikasyon para sa Certificate of Public Convenience (CPC).

Sa pamamagitan ng pagpapadali ng MARINA sa paglalabas ng mga kinakailangang safety certificates at permits, inaasahan ang panunumbalik ng kabuhayan sa turismo sa Sagay Marine Reserve, kasabay ng pagbabalik-operasyon ng ferry services patungong Suyac at Molocaboc Islands.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard District Southern Visayas at ng lokal na pamahalaan ng Sagay.

Ayon sa MARINA, layunin ng ganitong mga inisyatiba na mailapit ang mga serbisyo ng ahensya sa mga komunidad, mapatatag ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa kaligtasan sa karagatan, at maisulong ang abot-kaya at maaasahang transportasyong pandagat sa rehiyon.| Ronna de los Santos

View video here