Nagsanib-pwersa ang MARINA at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang palakasin ang skills development at magbukas ng mas maraming oportunidad sa sektor ng Shipbuilding at Ship Repair.
Nilagdaan ng MARINA at TESDA ang isang Memorandum of Agreement sa Taguig City na naglalayong paigtingin ang pagsasanay ng mga Pilipinong manggagawa sa larangan ng shipbuilding at ship repair.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, makatutulong ang nasabing kolaborasyon upang mapalawak ang lokal na shipyards at maparami ang mga barkong ginagawa sa bansa.
Tututukan sa kasunduan ang mga kasanayan tulad ng ship welding, ship fitting, at pipefitting, upang matiyak na handa ang mga manggagawa sa lokal at pandaigdigang pamantayan.
Magkatuwang ding magpapatupad ng mga training program ang dalawang ahensya, kabilang ang enterprise-based training kung saan mismong sa industriya hinuhubog ang mga trainees.
Bubuo rin ng Technical Working Group na mangangasiwa sa pagpapatupad at monitoring ng mga programa, upang matiyak na tugma ito sa pangangailangan ng industriya.
Sa kasalukuyan, may higit 130 shipbuilding at ship repair entities, 146 boatbuilders, at mahigit 20,000 rehistradong barko sa bansa—patunay ng lumalaking pangangailangan sa skilled maritime workforce.
Inaasahan na ang kolaborasyon ng MARINA at TESDA ay magpapalakas sa industriya ng paggawa ng barko, magbibigay ng mas maraming trabaho, at magtutulak sa Pilipinas bilang isang matatag na bansang pandagat. | via Merrowen Andong
View video here
