Mas pinaigting ng Maritime Industry Authority (MARINA) Regional Office 11 ang serbisyo publiko sa mga komunidad sa baybayin sa pamamagitan ng Maritime Safety Awareness Culture Caravan at Mobile Registration kasabay ng legalisasyon ng mga bangka sa Bayan ng Sarangani, Davao Occidental noong Abril 27–28, 2026.
Pinangunahan ng MARINA Regional Office XI OIC Regional Director Virvic Paul C. Erese ang inisyatibang naglalayong ilapit ang serbisyo ng pamahalaan at tiyakin ang kaligtasan ng mga sasakyang pandagat at pasahero.
Sa unang araw pa lamang, agad na nagsagawa ng preparatory inspections at koordinasyon ang MARINA 11, kung saan umabot sa 23 sasakyang pandagat ang na-inspeksyon. Kasabay nito, tinatayang 20 aplikante ang inasistihan sa ilalim ng Mobile Registration Activity para sa mga wooden-hulled recreational boats.
Samantala, nagbigay ang MARINA ng agarang gabay at tulong sa mga bangkang pumapalaot sa Mabila Port, at Balut Island patungong Camalig, Sarangani Island, upang maitama ang dokumentasyon at matiyak ang pagsunod sa umiiral na regulasyon.
Sa ikalawang araw, isinagawa ang mismong caravan sa Andres Diantan Jr. Hall, kung saan umabot sa 106 kalahok ang dumalo—mahigit doble sa inaasahang bilang. Kabilang sa mga nakinabang ay mga boat builder, may-ari ng bangka, tripulante, kinatawan mula sa Philippine Coast Guard (PCG), at lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng mga on-site services, naiproseso ang mga aplikasyon, naipaliwanag ang mga patakaran sa kaligtasan, at naibigay ang kinakailangang tulong legal at teknikal sa mga stakeholder. Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Sarangani at PCG, na nagpakita ng matibay na ugnayan para sa mas ligtas at maayos na operasyon sa karagatan.
Binigyang-diin ng MARINA na ang ganitong uri ng caravan ay mahalaga upang maabot ang mga malalayong komunidad, mapadali ang proseso ng dokumentasyon, at mapalakas ang kamalayan sa kaligtasan sa dagat.
Sa kabuuan, ipinakita ng inisyatiba ang patuloy na pagsisikap ng MARINA na maghatid ng episyente, maagap, at makataong serbisyo—tungo sa mas ligtas na paglalayag para sa bawat Pilipino.
Ang nasabing inisyatiba ay ang huling aktibidad na pinangunahan ng yumaong OIC Regional Director Virvic Paul Erese.
View video here
