Aarangkada na ang serbisyo-publiko ng Maritime Industry Authority o MARINA sa Camotes Islands sa Cebu upang ilapit ang mahahalagang serbisyo at palakasin ang kaligtasan sa dagat.
Nagsagawa ng serye ng courtesy call si MARINA Regional Office 7 Director Engr. Ronaldo Bandalaria sa mga lokal na opisyal bilang paghahanda sa rollout ng mobile registration, licensing, at safety training na gaganapin ngayong araw, ika-4 hanggang ika-9 ng Mayo, 2026.
Layunin ng programa na mailapit ang serbisyo ng MARINA sa mga komunidad, lalo na sa maliliit na mangingisda at mga operator ng pampasaherong bangka, upang mas mapadali ang pagkuha ng legal na dokumento at matiyak ang pagsunod sa safety standards.
Sa bayan ng San Francisco, nagpahayag ng buong suporta si Mayor Alfredo “AL” Arquillano Jr., na binigyang-diin ang kahalagahan ng Modified Basic Safety Training o MBST sa kaligtasan ng mga manggagawa sa dagat.
Sa Tudela naman, tiniyak ni Mayor Greman “Jojo” Solante ang pakikiisa ng lokal na pamahalaan, at sinabing malaking tulong sa mga residente ang pagdadala ng serbisyo sa isla dahil mababawasan ang gastos at hirap sa biyahe.
Gaganapin ang aktibidad sa Esperanza Covered Court sa Barangay Esperanza, na nangakong magbibigay ng buong suporta para sa maayos na implementasyon ng programa.
Ayon sa MARINA, bahagi ito ng kanilang patuloy na pagsisikap na gawing mas accessible ang serbisyo publiko at mapalakas ang kaligtasan sa mga komunidad na umaasa sa transportasyong pandagat. | via Merrowen Andong
View video here
