Isinagawa ng MARINA Regional Office 12 ang tatlong araw na mobile registration para sa mga bangka, at safety training para sa mga mangingisda sa Sarangani.

Pinangunahan ni OIC Regional Director Farida B. Guariño ang aktibidad na ginanap mula April 27 hanggang 29 sa bayan ng Kiamba.

Kabilang sa isinagawa ang on-site inspection ng mga bangka, pagpaparehistro ng mga sasakyang pandagat, at pagproseso ng iba’t ibang lisensya, sertipikasyon, at prangkisa.

Sampung bangka ang nabigyan ng kumpletong 5-in-1 certificates na may kasamang Certificate of Public Convenience, habang lima naman ang nabigyan ng lisensya bilang boat builder.

Isinagawa rin ang Modified Basic Safety Training o MBST kung saan tinalakay ang limang mahahalagang module sa kaligtasan sa dagat. Pinangunahan ng MARINA ang lecture, habang ang Philippine Coast Guard naman ang nagsagawa ng aktwal na pagsasanay, kabilang ang survival techniques.

Umabot sa 94 na kalahok mula sa PNP Maritime Group, pati na mga may-ari ng bangka, operator, at tripulante ang nagtapos sa pagsasanay.

Ginawaran sila ng kani-kanilang sertipiko, lisensya bilang boat captain at motorman, at nanumpa para sa ligtas at responsableng paglalayag.

Dumalo rin si Kiamba Mayor George Falgui na nagpahayag ng suporta sa patuloy na programa ng MARINA para sa kaligtasan sa karagatan.

Patuloy naman ang MARINA sa pagpapalawak ng serbisyo nito sa mga komunidad na umaasa sa transportasyong pandagat. | via Merrowen Andong

View video here