Sinuyod ng MARINA ang probinsya ng Masbate upang palakasin ang kaligtasan sa dagat, pagandahin ang serbisyo, at tugunan ang mahahalagang isyu sa sektor ng maritime transport.

Pinangunahan ng MARINA Regional Office 5 ang isang Maritime Safety Culture Awareness Campaign Caravan at townhall meeting sa Masbate City noong April 28.

Nagtipon dito ang mga shipowner, operator, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para talakayin ang kaligtasan sa paglalayag, mga hamon sa industriya, at mga umiiral na polisiya.

Isa sa mga tampok ng aktibidad ang pagpapakilala ng digital platform ng MARINA na layong pabilisin ang proseso ng transaksyon, pataasin ang transparency, at tiyakin ang pagsunod sa mga regulasyon.

Nagkaroon din ng ceremonial signing ng kasunduan sa pagitan ng MARINA at mga lokal na pamahalaan sa Masbate, bilang hakbang sa mas pinaigting na pagpapatupad ng maritime safety initiatives. Inaasahan itong pormal na maisasakatuparan matapos ang kinakailangang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan.

Kasunod ng townhall meeting, nagsagawa rin ang MARINA ng mobile registration upang mailapit ang mga serbisyo nito sa mga stakeholder sa lalawigan.

Samantala, dumalo rin ang ahensya sa isang joint committee hearing kung saan tinalakay ang panukalang taas-pasahe sa sektor ng maritime transport, at ang mga hakbang para mabalanse ang operasyon ng mga operator at kapakanan ng mga pasahero.

Ayon sa MARINA, bahagi ang mga hakbanging ito ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapalakas ang kaligtasan sa dagat, mapabuti ang serbisyo, at maging aktibong katuwang sa paghubog ng mga polisiya sa industriya. | via Merrowen Andong

View video here.