“Nakikita ko na malaki ang hinaharap ng Pilipinas kung susuportahan at palalakasin natin ang industriya ng maritima. Kasama niyo po ako sa adbokasiyang ito.”
Ito ang naging diin ni 1Tahanan Representative Atty. Nathaniel Oducado sa isinagawang MARINA flag ceremony ngayong araw, 4 Mayo 2026.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Rep. Oducado ang mahalagang papel na ginagampanan ng sektor ng maritima, partikular ang Maritime Industry Authority (MARINA), sa pagsusulong ng mga inisyatiba para sa pagpapaunlad ng industriya ng shipbuilding, ship repair, at shipyard sa bansa.
Matatandaan na naghain si Oducado ng dalawang panukalang batas sa House of Representatives na layong palakasin ang shipbuilding at ship repair sector, gayundin ang shipyard industry ng bansa.
Sa pamamagitan ng House Bills No. 2597 at 2598, layunin ng mambabatas na “iuwi ang maritime jobs” sa Pilipinas at palakasin ang sektor sa pamamagitan ng mas matibay na mandato ng gobyerno at mga insentibo.
Sa ilalim ng HB 2598 o Shipbuilding and Ship Repair Development Bill, tinatayang aabot sa 100,000 trabaho ang maaaring mabuksan para sa mga manggagawang Pilipino.
Samantala, layon naman ng HB 2597 o Shipyard Industry Fiscal Incentives Bill na amyendahan ang fiscal policy ng bansa upang mahikayat ang pamumuhunan sa sektor, kabilang ang VAT exemptions at tax exemptions sa imported capital equipment at materials, pati tax credits para sa capital equipment at mga insentibo para sa green projects.
Taos-puso naman ang pasasalamat ni MARINA Administrator Sonia Malaluan sa patuloy na pagsuporta ng 1Tahanan Partylist upang maisulong ang mga inisyatibang lehislatura ng MARINA.
View photos here.
