Tinatayang 22,326 pasaherong pandagat sa Central Visayas ang nakinabang sa unang linggo ng pagpapatupad ng Lakbay Alalay ng Gobyerno (LAYAG) Program ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Dalawang ruta sa Region 7 ang lumahok sa programa sa unang linggo ng implementasyon na pinangunahan ng MARINA Regional Office 7.

Nakapagtala ang rutang Angasil Port–Sta. Rosa, Olango Island vice versa ng kabuuang 9,454 pasahero na nakatanggap ng subsidiya sa pasahe. Mula sa regular na pamasahe na P60, P50 na lamang ang binayaran ng mga pasahero sa ilalim ng subsidized rate.

Samantala, umabot sa 12,872 pasahero ang nakinabang sa rutang Liloan, Cebu–Sibulan, Negros Oriental vice versa. Sa naturang ruta, bumaba sa P150 ang bayad ng mga pasahero mula sa regular na pasahe na P180.

Kabilang ang mga rutang ito sa pangunahing inter-island transport links sa rehiyon na nagpapadali sa paglalakbay ng mga pasahero sa pagitan ng Cebu at Negros Oriental.

Ayon sa MARINA, ang mataas na bilang ng mga benepisyaryo sa unang linggo ng programa ay patunay sa kahalagahan ng abot-kayang transportasyong pandagat at sa sama-samang pagsisikap ng ahensya at mga katuwang nito sa industriya upang makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino.| via Ronna L. de los Santos

View video here