Bagong antas ng kaalaman sa maritime safety ang baon ng mga miyembro ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC) “Seaborne” matapos sumailalim sa safety training na isinagawa ng MARINA Regional Office IX.
Para sa mga kalahok, higit pa sa dagdag na kaalaman ang kanilang natutunan—mga kasanayang nakaangkla rin sa international maritime safety standards at maaari nilang magamit sa kanilang mga seaborne operations.
“Isa pong magandang opportunity ang pagpunta ng MARINA sa amin dahil nadaragdagan ang aming kaalaman. Nagpapasalamat din po kami dahil nagbigay sila ng kaalamang hindi lang pang-national kundi pang-international na maaari naming magamit sa aming area of responsibility,” ani PCpl Jabiri Uharin ng PNP Regional Mobile Force Battalion 9.
Kabuuang 56 na kalahok ang sumailalim sa Modified Basic Safety Training (MBST). Samantala, 31 ang kumuha ng Ship Handling and Safe Navigation 1, habang 25 naman ang sumailalim sa Engine Operation and Maintenance 1.
Tinalakay sa training ang mga Safety Procedures, Boat Handling, Navigation, Engine Operation, at iba pang mahahalagang kasanayan para sa ligtas at episyenteng paglalayag.
Para kay PLT Loraine Andrea Ambrocio, Chief Administrative Police Community Officer (PCO), malaking tulong ang training sa kanilang aktuwal na operasyon.
“Napakalaking tulong po ng training na ito lalo na sa mga seaborne operations at seaborne patrol. Salamat po sa MARINA sa opportunity na binigay ninyo sa amin.”
Mula sa silid-aralan hanggang sa aktuwal na operasyon, inaasahang maisasalin ng mga kalahok ang kanilang natutunan tungo sa mas ligtas, mas mahusay, at mas maayos na seaborne operations sa kanilang area of responsibility.
View video here
