Siya si John Patrick “Jepoy” Castro — isang taong nagtrabaho bilang “engine cadet” at ngayon ay nagsisilbi bilang “oiler” ng isang maritime company.

Kamakailan ay personal siyang kinilala ni MARINA Administrator Rey Leonardo Guerrero dahil sa ipinamalas niyang katapatan.

Narito ang kanyang istorya:

Noong Miyerkules, 18 Hulyo 2018, pumunta si Jepoy sa Maritime Industry Authority (MARINA) central office para bayaran ang tatlong Certificate of Proficiency (COP) na ni-request niya mula sa ahensya.

Dalawandaang piso (₱200) ang halaga ng isang COP, kaya umabot sa ₱600 ang kanyang bayarin. Nag-abot siya ng ₱1,000 sa cashier pero imbis na ₱400, ₱600 naisukli sa kanya. Dahil mag-ga-gabi na, agad siyang umuwi at hindi na nagawa pang bilangin ang halaga na naisukli sa kanya.
Nang mapag-alamang sobra ang natanggap na sukli, nakipag-coordinate siya gamit ang Facebook page ng MARINA. Dalawang araw matapos ang insidente, naibalik ni Jepoy ang sobrang sukli sa MARINA.

“Alam po natin na mahirap talaga ang buhay seaman. Bawat sentimo, pinahalagahan po natin. Magastos talaga sa araw-araw, pero huwag po tayong magpasilaw sa maliit na halaga ng pera na kaya naman natin kitain sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Malaki ang impluwensya natin sa ating pamilya at sa iba, lalo na kung mabubuhay tayong TAPAT at MAY INTEGRIDAD,” paliwanag ni Jepoy.

Lubos na ikinatuwa ng MARINA ang ipinakitang katapatan at integridad ni Jepoy sa sitwasyong ito, na dapat taglayin ng lahat ng Marinong Pilipino.

Saludo ang MARINA sa ipinamalas mong katapatan, John Patrick Sigue Castro! Mabuhay ka!

#DOTrPH ??
#MARINAPH
#ModelongMarino
#MaritimeSectorWorks