Ang Maritime Industry Authority (MARINA) ay muling ipinapaalala sa lahat ng mga Pilipinong marino na iwasan ang mga nagpapakilalang “agents” na nag-aalok na mag-upload ng documentary requirements sa MARINA Integrated Seafarers Management Online (MISMO) System para sa pagproseso ng applications kapalit ang kahit anong halaga.
Kahit na sa kabilang bahagi na ng Manila ang opisina ng MARINA, talamak pa rin ang mga nagkalat na “agents” sa dating lokasyon ng opisina nito sa Kalaw.
Kamakailan lamang ay nakatanggap ng report ang MARINA mula sa isang seafarer na nabiktima ng isa umanong “agent.” Ayon sa biktima, nilapitan raw siya ng isa sa kanila at nagpakilalang kinatawan ng isang review center. Inalok siya ng assistance at kinuha ang kaniyang mga dokumento upang i-upload sa kaniyang MISMO account.
Matapos ang pag-upload ng kaniyang mga dokumento, siningil siya ng PhP 7,000.00 para sa naging serbisyo ng umanong “agent.”
Upang maiwasan ang ganitong klaseng panloloko sa mga Pilipinong marino, pinapaalalahanan ng MARINA ang lahat na huwag lumapit sa mga magpapakilalang “agents,” sa kahit sinong fixers, o mga taong hindi empleyado ng aming ahensya para sa pag-proseso ng inyong mga aplikasyon.
Pinapakiusapan namin ang mga marino at aming mga kliyente na makipag-ugnayan lamang sa MARINA Central Office o sa MARINA Processing Centers sa SM Manila at PITX upang hindi na kailanganin pang magbayad ng anumang serbisyo na hindi naman talaga kailangang bayaran katulad na lamang ng pagpapa-upload ng documents sa inyong mga MISMO accounts.
TAYO PO AY MAGING MAPANURI AT HUWAG BASTA-BASTA MAGPAPALOKO SA IBA.