Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos ang isang cyber attack na tumama sa apat nitong web-based systems, ayon kay Dr. Joseph Victor Generato, Director II ng Management Information and Systems Service (MISS) ng ahensya.

Sa panayam sa Radyo Pilipinas nitong umaga, ipinahayag ni Dr. Generato na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente sa ⁹MARINA. Gayunpaman, kasalukuyang inaayos ng mga tauhan ng MARINA at DICT-Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) sa pangunguna ni Undersecretary Alexander Ramos, ang mga naapektuhang sistema upang matiyak ang seguridad at malaman ang lawak ng nasabing data breach.

Bagamat may naganap na insidente, tiniyak ni Dr. Generato na hindi naapektuhan ang data ng mga seafarers ng MARINA.

“Ginagawa po ng MARINA ang lahat ng aming makakaya upang maayos ang problemang ito sa pinakamaikling panahon,” dagdag niya.

Samantala, target ng MARINA na maibalik sa normal na operasyon ang kanilang mga sistema upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo publiko.