Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng MARINA na masiguro ang kaligtasan at kakayahan ng mga lokal na bangkero, isinagawa ang sunod-sunod na libreng pagsasanay sa El Nido, Palawan mula Hulyo 14 hanggang 31, 2025.
Sa kabuuan, 344 bangkero ang matagumpay na nagtapos sa Boat Handling and Safe Navigation (BHSN) training, habang 67 motorman naman ang nakatapos ng Engine Operation and Maintenance (EOM) training. Umabot sa 411 katao ang nakinabang sa mga programang ito—mga ordinaryong manggagawang dagat na ngayon ay mas handa na sa ligtas, maayos, at dekalidad na kondisyon ng kanilang mga bangkang de-motor.
Katuwang ng MARINA Regional Office IV ang Keelooma Inc., ENPOOA (El Nido Pumpboat Owners’ & Operators’ Association), at BELBOA (Baquit El Nido Boat Owners’ Association), at mga tagapagsanay mula sa Manpower Development Service.
Nagpasalamat rin ang MARINA Regional Office IV sa local na pamahalaan ng El Nido, Palawan at sa Philippine Coast Guard Sub-Station sa kanilang suporta.
Susunod namang puntahan ng MARINA ang Coron, Palawan ngayong Agosto 2025 upang ipagpatuloy ang kanilang misyon: ang gawing mas ligtas at mas propesyonal ang bawat byahe ng ating mga bangkero at motorman sa mga baybayin ng bansa.
View photos here